Isang pambihirang video mula sa archives ng UP Film Institute (UPFI) ang pormal na isasapubliko sa unang pagkakataon. Itatanghal ang Sa Likod ng Himala, 20-minutong dokumentaryo ukol sa paggawa ng pelikulang Himala (ECP, 1982) ni Ishmael Bernal, sa UPFI Bernal Gallery, Disyembre 16, 2008 (Martes). Libre ang bawat screening na magsisimula sa ika-7 ng gabi.
Ginawa ang dokyu noong 1982 ng in-house staff ng UP Film Center (pinalawak ngayon bilang UP Film Institute). Limang resident cameramen ng Film Center ang nagsadya sa set ng Himala sa disyerto ng Paoay, Ilocos Norte. Naroon sila sa lokasyon habang kinukunan ang isa sa highlights ng pelikula—ang pagbaril kay Elsa (Nora Aunor) sa burol habang nagtatalumpati, ang sumunod na stampede, at ang pagbuhat ng mga deboto sa katawan ng bisyonaryo. Gamit ang Super 8mm movie camera, nagtulong ang lima sa pagkuha ng footage.
Ibinunga nito ang isang dokumentaryong di matatawaran ang halaga. Bukod sa makasaysayan, naidokumento rito ang buong giting na pamamahala ni Ishmael Bernal (National Artist for Film) sa pagkuha sa isa sa pinakamalalaking eksena sa Sine Pilipino, gamit ang pitong kamera at sangkot ang halos tatlong libong tao. Masisilip dito kung bakit at paano naging isang dakilang obra ang Himala na patuloy na kinikilala sa mundo.
Ang okasyon ay pagpupugay ng UP Film Institute, sa pakikipagtulungan ng International Circle of Online Noranians (ICON), sa pelikulang Himala sa pagwawagi nito ng CNN Viewers' Choice Award for Best Asia Pacific Film of All Time. Iginawad ang naturang parangal noong Nobyembre sa 2nd Asia Pacific Film Awards na ginanap sa Queensland , Australia .
Ang Himala ang pinakaimpluwensiyal na pelikula ni Bernal. Nagkaroon ito ng bersiyong teatrong musikal at dramang panradyo, at naging inspirasyon din ng isang award-winning film. Di na mabilang ang pagtukoy dito sa iba't ibang midyum ng kulturang popular. Nakatanim na sa kamalayan ng Filipino ang mga linya sa pelikula.
Pinukaw din ng Himala ang atensiyon ng mundo. Binuksan nito ang Manila International Film Festival noong 1983. Sa Europa, nag-premiere ito sa Berlin Film Festival bilang official selection para sa Golden Bear nang taon ding iyon, bago lumahok sa Moscow filmfest. Sa dating USSR , itinanghal ito sa mga siyudad ng Kiev ( Ukraine ) at Alma-ata ( Kazakhstan ). Isinali rin ang pelikula sa 19th Chicago International Film Festival kung saan ito nag-uwi ng Bronze Hugo Prize para sa Best Feature Film.
Sa nakalipas na higit dalawang dekada, nailibot na ang pelikula sa Taipei , Bangkok , Tokyo , Jakarta , Los Angeles , Hong Kong, Vienna , New York , at iba pang siyudad. Ngayong taon, bahagi ang iHimalaBHimalaHimala ng programa ng Berlin Hot Shots Film Festival ( Germany ) at Paris Film Festival (France).
Mabibili sa video stores ang DVD ng Himala, bahagi ng seryeng Obra Maestra ng Star Records.
Saksak Sinagol
11 years ago
Post a Comment